KORONADAL CITY – Nangibabaw ang bayanihan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Thailand sa pagtulong sa kanilang mga kababayan na apektado ngayon ng covid-19 crisis.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jun Earl Dagaojes, tubong Koronadal City at halos 13 taon ng guro sa Bangkok, Thailand, nagdesisyon silang tulungan at bigyan ng relief goods ang mga kababayan nating nawalan ng trabaho bunsod ng naturang pandemic.
Ayon kay Dagaojes, gumawa sila ng group page sa social media upang ma-contact ang mga OFWs na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa Thai government.
Personal umano nilang kinokontak ang mga ito at ibinibigay ang relief assistance na kinabibilangan ng 5 kilong bigas, delata, tinapay at ilan pang pangangailangan, kung saan nasa 200 na sa ngayon ang kanilang natulungan.
Kanila rin aniyang pinapadalhan ng pera ang mga OFWs na malayo sa nasabing siyudad.
Sa ngayon, patuloy ang panawagan nito ng tulong sa may mga kayang pamilya sa bansa na sana makabigay ng tulong sa doon lalo na sa mas nangangailangan.