Nilagdaan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Handbook for OFWs Act upang ito’y maging isang ganap nang batas.
Pinirmahan ng Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11227 noon pang Pebrero 22 ngunit nitong Sabado lamang naglabas ng kopya ang Malacañang.
Sa ilalim ng bagong batas, binibigyan ng mandato ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ilahatla, ipamigay at i-update ang handbook kung saan nakapaloob ang mga karapatan at responsibilidad ng mga overseas Filipino workers (OFW).
Ang naturang handbook ay ipamimigay nang libre sa bawat OFW, mapa-land-based o sea-based man.
Layunin din ng paglalathala ng handbook na magbigay ng kaalaman sa mga OFW hinggil sa kanilang mga benepisyo at at impormasyon ukol sa paggawa at kondisyon ng pamumuhay sa bansa kung saan sila maghahanapbuhay.
Ang POEA; Department of Labor and Employment; Overseas Workers Welfare Administration; Department of Foreign Affairs; Inter-Agency Council Against Trafficking; Commission on Filipinos Overseas; at Maritime Industry Authority naman ang mga ahensya ng gobyerno na inatasan para itaguyod at pangalagaan ang karapatan ng mga Pinoy workers sa ibayong dagat.