CAUAYAN CITY – Umabot na sa 60% ang natapos sa ipinapatayong Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa San Fernando City, Pampanga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na walong palapag ang hospital building at inaasahang matatapos sa Marso 2022.
Ang 1.5 hectare na lupa na pinagpapatayuan ng ospital ay donasyon ng provincial government ng Pampanga.
Ayon kay Kalihim Belllo, walang gastos ang gobyerno sa pagpapatayo sa ospital dahil ang 600 million na pondo ay donasyon ng isang kilalang negosyante sa bansa.
Ang Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) naman ay nag-donate ng 200 million na pondo para sa mga modernong medical equipment.
Ang OFW Hospital ay 100-bed capacity at libre ang pagpapagamot dito ng mga OFW at kanilang legal dependents.
Sinabi ni Atty. Bello na kung magtatagal pa siyang kalihim ng DOLE ay plano rin niyang magpatayo ng OFW Hospital sa Visayas at Minadanao.
Sinimulan na rin aniya ang screening para sa pagkuha ng 50 na medical health workers na magtatrabaho sa OFW Hospital.