ILOILO CITY – Hindi malilimutan ng isang overseas Filipino worker na survivor sa tumaob na MB Jenny Vince ang kanyang karanasan sa trahedya sa Iloilo Strait.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mark Angelo Subaldo ng Tacurong City, Sultan Kudarat at isang school coordinator sa Abu Dhabi, sinabi nito na 10 silang pumunta sa Buenavista, Guimaras upang magbakasyon at bisitahin ang kanilang kaibigan.
Bago sila sumakay ng bangka papuntang Iloilo City, nagdadalawang-isip pa ang mga ito dahil masama ang panahon.
Nang tumila ang ulan, pinahintulutan umano ng Philippine Coast Guard ang pagbiyahe ng pumpboat.
Sampung minuto pa lamang na nakaalis ang kanilang sinasakyang motorbanca, bilang lumakas ang ulan at hangin at hinampas ng malalaking alon ang kanilang bangka at tuluyan nang tumaob.
Aniya, narinig pa niya ang sigawan ng kasamahan niyang mga pasahero habang nasa tubig at nasa loob ng tumaob na bangka.
Tinanggal ni Subaldo ang kanyang suot na life jacket at kinaya niyang mailigtas ang kanyang sarili at iba pang kasamahan.
Sa pagkakatanda niya, umabot pa ng 30 minuto bago sila tuluyang na-rescue.