-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 ang kanilang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng overseas Filipino worker ( OFW) na nasawi matapos aksidenteng mabuhusan ng hydroflouric acid sa kanyang pinagtatrabahuang factory sa Taiwan.

Ang nasawi ay si Deserie Castro-Tagubasi, 29-anyos, residente ng Lullutan, Ilagan City at uuwi sana sa susunod na buwan matapos ang dalawang taon na pagtatrabaho sa isang electronics factory sa Chunan Science Park sa Miaoli County sa Taiwan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Regional Director Luzviminda Tumaliuan ng OWWA Region 2, sinabi niya na ang naunang ipinarating sa kanilang tanggapan ay ang pagdala kay Tagubasi sa Veterans General Hospital sa Taipei noong Agosto 29, 2019 dahil sa aksidenteng pagkakabuhos ng hydroflouric acid sa kanyang hita.

Nang malaman nila ang insidente noong Huwebes, August 29, 2019 ay agad siyang nagpadala ng kanyang tauhan sa bahay ni Tagubasi sa Lullutan, lungsod ng Ilagan upang ipabatid ang nangyari sa kanilang kaanak.

Nagtungo na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang kapatid ni Tagubasi ngunit hindi pa umano natatapos ang paggawa sa letter of acceptance of human remains kaya muling magtutungo sa Lunes ang pamilya sa DFA sa Tuguegarao City.

Ayon kay Regional Director Tumaliuan, batay sa report ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Taiwan, walang kaduda-duda sa pagkamatay ni Tagubasi dahil siya mismo ang nakahawak sa lagayan ng mapanganib na asido na kanyang natabig at nabuhusan ang kanyang hita.

Hindi pa nila matiyak kung kailan maiuuwi ang bangkay ni Tagubasi subalit tinututukan na ito ng kanilang tanggapan.

Ayon pa kay Tumaliuan, ibeberipika nila ang membership ng biktima sa OWWA kung valid pa at kung hindi na ay gagawa sila ng request para sa financial assistance sa kanyang pamilya.