-- Advertisements --
KAPA JOEL APOLINARIO 2
KAPA founder Pastor Joel Apolinario

KORONADAL CITY – Humingi ngayon ng tulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Estados Unidos matapos hindi na nito nabawi ang nasa mahigit kumulang P5-milyong investment nito sa Rigen Marketing at Kabus Padatuon Community Ministry International Inc. (KAPA).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Dale, 28, residente sa isang bayan sa South Cotabato at anim na taon nang nagtatrabaho sa US, naengganyo umano ito ng kaniyang mga kaibigan na sumali sa Rigen at KAPA.

Sa una, nakapag-invest muna siya ng P50,000 sa KAPA at nakapag-pay out pa kaya dinagdagan nito ang kaniyang investment na umabot sa mahigit P2.5-milyon at pinatulog ang kaniyang pera sa pag-aakalang tutubo ito ng mas malaki.

Hindi pa ito nakuntento at nag invest din ng mahigit P2.5-milyon sa isa pang investment scheme na Rigen Marketing hanggang sa inabutan na ito ng closure.

Sa ngayon nalubog umano siya sa problema dahil hindi alam kung paano pababawiin ang kaniyang pinaghirapan sa mahabang panahon.

Una nang kinasuhan ng NBI at SEC ang KAPA founder na si Pastor Joel Apolinario at mga kasamahan.

NBI BACANI LAVIN KAPA KABUS PRESSCON
NBI giving updates on KAPA investigation (file photo)

Ang isang korte ay nagpalabas na rin ng hold departure order laban sa mga ito.

Habang ang AMLC ay inilagay sa freeze order ang P100 million cash at assets ni Apolinario.

Ang hakbang ng mga otoridad ay matapos na ipag-utos mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-shutdown sa mga tanggapan ng KAPA dahil sa umano’y “continuing crime” nito bunsod nang pagiging Ponzi scheme at investment scam.