-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umaapela sa ngayon ang pamilya ng isang OFW na namatay sa bansang Qatar na makita ang medical records nito matapos mapabalitang naturukan pa ito ng bakuna bago binawian ng buhay.

Kinilala ang OFW na si Jomarie Arandilla, 45 anyos at tubong Barangay Talahik, Surallah, South Cotabato at higit 20 taon nang nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Maribeth Arandilla, kapatid ng nasawing OFW, ipinaalam na lamang sa kanila ng asawa ni Jomarie ang nangyari sa kanya at hindi pa umano malinaw sa kanilang naging dahilan ng pagkamatay nito.

Ayon kay Arandilla, bago pa man umano nabakunahan si Jomarie ay may nagpositibo na sa kanilang company ngunit hindi isinailalim sa swab test ang lahat ng empleyado.

Nabakunahan si Jomarie noong Abril 7, 2021 at pagdating ng April 17,2021 ay pumunta ito sa ospital dahil sa nakaranas ito ng pagtatae at hirap sa paghinga.

Ngunit lumala ang sitwasyon at inilagay ito sa ICU ng ilang araw bago pa man binawian ng buhay.

Sa huli, nalaman na positibo rin sa COVID-19 ang nasawing OFW.

Sa ngayon ay nasa Qatar pa ang bangkay nito at inaasikaso na umano ng kanyang asawa na mapauwi sa bansa.