LAOAG CITY – Makakauwi na ngayong araw ang mga ilang overseas Filipino workers (OFWs) na hindi naging maganda ang karanasan sa Saudi Arabia.
Ayon kay Evalyn Calma na taga-Dingras, Ilocos Norte, madaling araw ng June 11 ay lalapag ang sinakyan nilang eroplano sa bansa.
Inihayag pa niya na makakauwi siya sa pamamagitan ng tulong ng mga sumagip at kumuha sa kanyan mula sa bahay ng amo matapos ipinakita sa social media ang mga pasa na kanyang natamo mula sa isang staff ng agency.
Si Calma ang OFW na ilang ulit na umatras papuntang Saudi dahil katatapos lamang ng operasyon ng asawa at natatakot, ngunit pinilit umano ng kanyang recruiter at tinakot na magbabayad ng P200,000 kung hindi tutuloy sa nasabing bansa.
Maalalang wala pang isang buwan si Calma sa Saudi Arabia ay nagreklamo ang kanyang amo sa agency nito dahil tamad umano ito at kinuhanan ng larawan ang mga anak ng amo.
Dahil dito ay sinaktan umano ng staff ng agency si Calma at binantaan na kung hindi babalik sa amo ay mapupunta sa mas malupit pa na amo.
Samantala, ilan umano sa kasama ni Calma na uuwi ay mga OFW na biktima na rape at pambubugbog ng kanilang mga amo.