ROXAS CITY – Ibinahagi sa Bombo Radyo ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang kaniyang naging karanasan matapos itinakwil ng kaniyang employer kasunod ng pag-positibo nito sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Jelli Elisha Boy, tubong Barangay Casanayan, Pilar, Capiz na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Abu Dhabi, nakaramdam na siya ng takot nang unang mag-positibo ang kaniyang amo sa naturang sakit.
Aniya nagising na lamang siya na sobrang nananakit ang kaniyang katawan, nangangati ang lalamunan, may ubo at hirap sa paghinga.
Nang humingi ng tulong sa kaniyang mga employer ay hindi nito inaasahang ipinaligpit ang kaniyang gamit at pinalalayas na umano ito.
Dahil sa pangamba ay minabuti nitong magpagamot ngunit sa apat na ospital na kaniyang napuntahan ay apat na beses rin itong tinanggihan.
Wala na umano itong maisip na ibang paraan kundi ang magkunwaring mamamatay na sa ilang Filipino doctors.
Hindi rin makakalimutan ni Jelli ang magdamag na pag-iyak nito sa labas ng ospital bitbit ang kaniyang mga kagamitan hanggang sa sinabihan na itong isa siya sa sasailalim sa 14-day quarantine sa Al Ain University na nagsisilbing isolation area sa bansa.
Hindi rin aniya naging madali ang kaniyang dinanas sa loob ng isolation area lalo na’t araw-araw ay may namamatay rito.
Ang laban aniya sa COVID-19 ay labang physical, mental, phsychological at spritiual.
Araw-araw umano siyang nakikinig sa worship songs at inaaliw ang kaniyang sarili sa pag-Tiktok at zumba na nagsisilbi ring kaniyang ehersisyo.
Laking pasasalamat ni Jelli nang mag-negatibo na ito sa naturang virus sa ika-13 ng kaniyang quarantine.
Naniniwala itong dasal at pananalig sa Diyos ang isa sa kaniyang naging sandata upang malagpasan ang lahat ng kaniyang nadaanan at maka-rekober sa naturang sakit.