LAOAG CITY – Tuwang-tuwa na nakauwi na rito sa Pilipinas si Ms. Catherine Tagaca Andres, residente ng Brgy. 21 sa bayan ng Sarrat dito sa lalawigan ng Ilocos Norte at Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia na minaltrato ng kanyang amo.
Ayon sa kanya, hindi niya mailarawan ang kanyang labis na kagalakan na nakabalik na siya sa bansa at muling nakita ang kanyang mga mahal sa buhay na nagpatibay sa kanyang damdamin sa pagharap sa matinding pagsubok na kanyang pinagdaanan.
Paliwanag niya, tumakas siya sa kanyang tinitirhan dahil inakusahan siya ng pagnanakaw ng 300 riyal na mariin niyang itinanggi.
Sinabi niya na ipinakita rin niya sa kanyang amo ang lahat ng kanyang kagamitan upang patunayan na hindi siya ang kumuha sa nawawalang pera.
Gayunpaman, ibinunyag niya na hindi siya pinaniwalaan ng kanyang amo kaya nagalit siya sa kanya hanggang sa sinaktan siya.
Bukod dito, mahigpit aniya nilang tinignan ang lahat ng kanyang mga gamit at sinuri rin ang kanyang pribadong bahagi ng kanyang katawan upang matiyak na wala siyang kinuha mula sa kanyang amo.
Kaugnay nito, nagdesisyon siyang huwag nang bumalik sa ibang bansa dahil naniniwala siyang hindi para sa kanya ang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Samantala, nakauwi si Catherine dito sa Pilipinas sa tulong ni Mr. Lawrence Valmonte, Overseas Filipino Worker Adviser sa Saudi Arabia at ang walang sawang pag-update ng Bombo Radyo sa sitwasyon ng OFW mula nang tumakas ito sa kanyang amo hanggang sa matagumpay itong nakabalik sa bansa.
Nauna rito, bumisita si Catherine ngayong araw dito sa istasyon ng Bombo Radyo Laoag para personal na ipahayag ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanya.