LAOAG CITY – Malugod na inihayag ni Mr. Lawrence Valmonte, Overseas Filipino Worker Adviser sa Saudi Arabia na nasa mabuti ng kalagayan si Ms. Catherine Tagaca Andres, residente ng Brgy. 21 sa bayan ng Sarrat dito sa lalawigan ng Ilocos Norte ngunit kasalukuyang nagtatrabaho bilang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia matapos siyang maltratuhin ng kanyang lalaking amo.
Ayon sa kanya, sa ngayon si Catherine ay nasa kustodiya na ng Khalid Saad Khzam Alhawmizi Recruitment Agency habang hinihintay niya ang kanyang bagong amo.
Nais aniya ng nasabing Overseas Filipino Worker na manatili sa Saudi Arabia at maghanap ng bagong employer.
Sabi niya na pinoproseso na ang lahat ng mga dokumento ni Catherine sa tulong ni Labor Attache Hon. Roel Martin ng Migrant Workers Office sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia.
Ipinaliwanag niya na ang in-upload ni Catherine na video sa online na humihingi ng tulong ay nai-post pa noong nakaraang buwan kung saan umabot na ito sa mahigit 4 million views.
Gayunpaman, tiniyak niya na tutulungan ang Overseas Filipino Worker hanggang sa makahanap siya ng mas mabuting employer.
Kaugnay nito, ibinunyag niya na hindi kaagad nai-report ni Catherine ang insidente kaya hindi agad siya natulungan.
Dagdag pa niya, posibleng masampahan ng reklamo ang amo ni Catherine na nangmaltrato sa kanya bagay na inaasikaso na ng Migrant Workers Office sa Saudi Arabia.
Samantala, napag-alaman na isang taon at apat na buwan nang nagtatrabaho si Catherine bilang isang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia.