CENTRAL MINDANAO-Naging emosyonal ang muling pakikita ni Elgiemar Canonigo at ng kanyang Overseas Filipino Worker na Ina na si Lorna Balangue.
Matatandaang nitong nagdaang taon ay kumalat sa social media na Facebook ang larawan ni Balangue na kung saan ito’y nakaratay sa isang pagamutan sa Saudi Arabia matapos itong ma-stroke at maoperahan. Sa nasabing post, ito umanoy hindi makaalis ng bansang kanyang pinagtatrabahuan matapos ang nangyaring insidente sa kanya.
Kaagad namang napag-alamang tubong bayan ng Kabacan ang nasabing OFW na kung saan minabuti ni Kabacan Municipal Mayor Herlo Guzman Jr na makontak ang pamilya nito upang ma-ireport sa Overseas Workers Welfare Administration at matulungan.
Kaugnay nga nito, makalipas ang higit tatlompong taon ay muli nang nagkita ang mag-ina sa tulong na rin ng OWWA at ng lokal na pamahalaan ng Kabacan.
Abente nuwebe ng Marso 2019, sinundo ni Elgiemar ang kanyang inang bedridden sa Davao International Airport.
Dito, hindi maipinta ang sayang naramdaman ng mag-ina sa muli nilang pagkikita. Kwento ni Elgiemar, sa loob ng ilang taon, ito pa lamang ang pangalawang uwi ng kanyang ina na aniya, ganito pa niya muling makikita ito.
Lubos din ang pasasalamat ng anak sa OWWA matapos nitong matulungang mapauwi ang kanyang ina. Nagpasalamat din ito kay Mayor Guzman sa pinansyal na tulong at transportasyon.
Ipinaliwanag naman ng OWWA XII kung bakit natagalan ang pag-uwi ni Balangue. Anila, hindi puwedeng bilisan ang pagbiyahe ng OFW lalo pa’t maselan ang lagay nito at ang kinakailangan ay ang kompirmasyon ng mga doctor na puwede itong bumiyahe.
Makalipas nga ang ilang serye ng gamutan at check-up, ay pinayagan na itong bumiyahe. Kasama ang isang representante mula sa POLO Office ng Saudi Arabia ay bumiyahe na ito nito lamang lunes, abente singko ng Marso 2019 at lumagi muna ng ilang araw sa Half-way Home ng OWWA sa Maynila.
Hinimok naman ng OWWA XII ang mga pamilya ng OFW na mainam na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o kaya ay sa mga Public OFW Desk Officer ng bawat LGU sa oras na may nabalitaan silang may hindi magandang nangyari sa kanilang kapamilya.
Siniguro din ni Mayor Guzman na handang tumulong ang LGU sa mga OFW at sa pamilya nito. Hanapin lamang si PODO Designate Hesel Marc Osoteo o kaya’y si Mun. Admin. Ben Guzman.
Sa ngayon ay nasa syudad ng Kidapawan si Balangue kasama ang kanyang pamilya.
Nagpasalamat din ang OWWA XII sa liderato ni Mayor Guzman matapos na mapag-alamang hindi na residente ng Kabacan si Balangue, ngunit handa paring tumulong ang alkalde sa OFW.