-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng Quezon City health officials na nagnegatibo na sa coronavirus ang isang residente na naunang nagpositibo sa COVID-19 UK variant.

Ito ang lumabas sa pinakabagong lab test sa naturang pasyente.

Ayon kay Dr. Rolly Cruz, head ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), ang mga doctor sa quarantine facility kung saan ito nananatili ay magsasagawa ng assessment kung papayagan na siyang makauwi para makapiling ang pamilya.

Gayunman mananatili pa rin ang masusing monitoring sa kanya sa loob ng dalawang linggo.

QC mayor joy belmonte COVID residents

Kasabay nito nagbabala si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa kanilang mga kumunidad na mahigpit na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa kanilang mga kababayan lalo na at may parusa ito sa ilalim ng umiiral na ordinansa.

“Sa panahon ngayon, huwag na nating bigyang puwang ang diskriminasyon dahil wala itong naitutulong at nakakabigat pa sa sitwasyon,” ani Belmonte. “Sa halip na pandirihan, ipakita natin ang ating pagmamahal sa kanya at iparamdam na tayo’y masaya na siya’y magaling na.”

Kung maalala ang naturang pasyente ay bumalik ng bansa mula Dubai kasama ang kanyang girlfriend noong January 7, 2021.

Matapos dumating sumailalim siya sa mandatory testing at sa 14-day quarantine.

Sa ginawang pagsusuri ng samples makaaran siyang magpositibo sa COVID, kinumpirma ng Philippine Genome Center (PGC) na nagtataglay siya ng UK variant.

Nagpositibo rin ang ang kasamang girlfriend ng OFW at ang ina.

Gayundin ang 14 na mga pasahero ng eroplano.

Sa ngayon inaalam pa ng PGC kung merong ding UK variant ang mga ito.