-- Advertisements --
Maria Dayag

CAUAYAN CITY – Daan-daang mga kamag-anak, kaibigan at ka-barangay ang naghatid sa huling hantungan kaninang alas-9:00 ng umaga sa bangkay ng overseas Filipino worker (OFW) na napatay sa Kuwait na si Maria Constancia “Nene” Dayag.

Dakong alas-7:00 kaninang umaga nang dalhin ang kanyang mga labi sa St. Vincent Ferrer Parish Church sa Angadanan at pagkatapos ng misa na pinangunahan ni Fr. Ross Martinez ay dinala na sa public cemetery ang kanyang bangkay.

Si Labor Secretary Silvestre Bello III ay nakahabol sa public cemetery at sumama sa pamilya Dayag sa kanilang pag-uwi sa kanilang bahay sa Dalenat, Angadanan, Isabela.

Silvestre Bello III

Siya ay nakipag-usap sa mga anak at biyenan ni Dayag.

Kabilang pa sa mga dumalo sa libing ang Migrante Isabela sa pangunguna ng chairperson Krista Pacis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pacis, sinabi niya na sinusubaybayan nila ang pag-usad ng kaso ng pagkamatay ni Dayag sa Kuwait.

Kahit aniya may bilateral agreement ang dalawang bansa ay walang katiyakan na lahat ng mga OFW ay napapangalagaan ang kanilang seguridad.

Aniya, nais nila na wakasan ng pamahalaan ang labor export program para wala nang Pilipino na mabiktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato na tulad ni Dayag.

Una nang kinilala ng DFA ang employer na si Bader Ibrahim Mohammad Hussain na sinasabing nagmaltrato at umano’y nang-abuso seksuwal sa Pinay worker.

Iniulat naman ng DOLE na ang bangkay ni Dayag ay nakitaan ng mga contusions at hematoma.

Sinabi naman ni Pacis na natanggap nila ang impormasyon sa pagkamatay din sa Kuwait ng isang OFW mula sa Echague, Isabela at isa pa sa Calaccab, Angadanan, Isabela.

Handa aniyang tumulong ang Migrante Isabela sa pamilya Dayag para ipaglaban ang hustisya sa pagkamatay ni Dayag.

Samantala, nagkaron ng pagtatalo ang anak at kapatid ni Dayaga bago ilibing ang kanyang bangkay.

Ito ay matapos tanggihan ng anak ni Dayag na si Lovely Jane ang nais ng kanyang tita na si Violy Cagabi na bago ilagay sa puntod ay buksan nila ang kabaong para makita nila kung ang bangkay na pinaglamayan nila ng ilang araw ay ang kanyang kapatid.

Nakaselyo ang kabaong ni Constancia Dayag dahil nasa state of decomposition na.

Unang sinabi ni Lovely Jane na nangingitim at hindi na makilala ang mukha ng bangkay kaya nagdadalawang-isip sila kung talagang ang kanyang ina ang bangkay na iniuwi mula sa Kuwait.