CENTRAL MINDANAO-Kapiling na ngayon ng kanyang pamilya na nasa Brgy. Pulang Lupa sa bayan ng Mlang Cotabato ang labi ni Gina Añolga Sorianosos, isang Overseas Filipino Worker (OFW) na namatay sa Dubai matapos itong nasagasaan habang tumatawid sa isang pedestrian lane doon.
Dahil sa pangyayari, nagtulungan ang mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza upang agarang mapauwi ang bangkay ng OFW mula Dubai patungo sa naulila nitong pamilya.
Sinagot ng pamahalaang panlalawigan ang transportasyon para sa pagsundo ng labi ni Sorianosos sa Davao City International Airport na dumating sa bayan ng Mlang madaling araw ng Lunes.
Labis namang nagpasalamat ang asawa at iba pang myembro ng pamilya ng nasabing OFW kay Gov. Mendoza dahil sa ipinakita nitong suporta lalo na ngayong nasa matinding krisis ang mga ito.
Malaki rin ang kanilang tiwala sa liderato ni Mendoza na magiging malakas na katuwang nila tungo sa pagkamit ng hustisya para sa kanilang kaanak.