-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpasaklolo na sa pamahalaan ang anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na inabuso at pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.

Nabatid na uuwi sana kahapon sa bansa ang biktimang si Constancia “Connie” Dayag ng Dalenat, Angadanan, Isabela, matapos ang apat na taong pagtatrabaho sa Kuwait.

Si Constancia ay 47-anyos na biyuda at may tatlong anak.

Ang kanyang panganay na isang lalaki ay mayroon nang asawa, habang ang ikalawang anak na si Lovelyn Jane ay accountant sa isang kompanya sa Makati City, at ang bunso na 14-anyos ay nasa Grade 8.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lovely Jane, sinabi niya na “sasalubong” sana siya sa airport ngunit noong gabi bago ang flight ay hindi na niya makontak ang kanyang ina maging ang employer nito.

Nalaman na lamang daw niya ang pagkamatay ng kanyang ina nang tumawag ang kanyang Tita Violy Cagabi ng Gamu, Isabela, at sinabing pinuntahan siya ng mga kawani ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para ipabatid ang sinapit ng ina sa Kuwait.

Sinabi ni Lovely Jane na huli silang nagkausap ng kanyang ina noong Mayo 6 at sinabing uuwi kahapon.

May mga nabanggit na ang ina hinggil sa hindi maayos na pagtrato ng kanyang amo ngunit palaging sinasabi na OK lang siya para hindi sila mag-alala.

Ang kanyang kuya naman ang nakakita minsan sa kanilang video call na may mga pasa sa mukha ang kanilang ina ngunit inihabilin na huwag sabihin sa kanya.

Kaninang umaga ay pumunta si Lovely Jane sa tanggapan ng Department of Labor and Employment para humingi ng tulong upang maiuwi ang bangkay ng kanyang ina.

Samantala, sinabi ni Gng. Violy Cagabi, kapatid ni Connie, na nagulat siya nang may dumating na OWWA employee at ipinabatid sa kanya ang pagkamatay ng kanyang ate sa Kuwait.

Sinabi niya na nabanggit ng kanyang pamangkin nang tawagan niya na uuwi sana kahapon ang kanilang ina kaya labis na nagulat nang malaman na patay na siya.

Nabanggit din ng kanyang pamangkin na na si Constancia ay pinagseselosan ng kanyang amo.

Hangad ni Gng. Cagabi na mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa kanyang ate.