KORONADAL CITY – Hindi kumbinsido ang pamilya ng isang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabi na aksidente ang nangyaring pagkakasawi nito matapos umanong masunog ang bahay ng kanyang employer.
Kinilala ang nasawi na si Rodelyn Villanueva, 26 anyos, tubong MIdsayap, North Cotabato at higit dalawang taon nang naninilbihan bilang Domestic Helper sa kanyang mga employer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Director Marilou Sumalinog ng Overseas Workers Welfare Office 12, sa inilabas na ulat ng agency ni Rodelyn, aksidente umano ang nangyaring pagkasunog at pagkamatay ng biktima.
Sa katunayan, kasama pa umano nito na nasunog ang 14- years old na PWD na alaga nito kung saan kritikal din ang kalagayan sa ngayon.
Naiulat din na kabilang sa nasunog ang mga gamit nito maliban sa isa pang cellphone nitong nawawala.
Pinuntahan umano ng kapatid ni Rodelyn ang nasunog na bahay ng employer nito ngunit hindi niya nakita ang labi nito.
Sa ngayon, lubos ang paghihinagpis ng pamilya ng OFW at umaasang buhay pa ang kaniyang anak dahil nakita pa umanong “online” ang messenger nito ilang araw matapos napabalitang nasawi ang dalaga sa sunog.
Napag-alaman na noong buwan ng Nobyembre 2021 umalis papuntang Saudi Arabia si Rodelyn.
Nangako naman si Sumalinog na inaasikaso na nila at ginagawan ng paraan na mapauwi ang bangkay ng OFW.
Makakatanggap din umano ng tulong ang pamilya nito mula sa OWWA.
Kaugnay nito, may paalala naman si Sumalinog sa mga OFWs na sakaling may problema agad na ipagbigay alam sa mga ahensiya ng gobyerno.