CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang Overseas Filipino Worker na tubong Matalam, Cotabato, makaraang mahulog ito sa ikatatlong palapag ng kanyang tinitirhang apartment sa bansang Bahrain.
Kinilala ang biktimang si Rhaina Mataya, 34 na taong gulang at residente ng Barangay Central Malamote, na limang taon nang nagta-trabaho sa bansang Bahrain.
September 25 pa ng nakaraang taon nasawi si Mataya, pero nitong nakaraang Martes lang naipaalam sa LGU-Matalam na agad namang nagpaabot ng tulong sa pamilya ng biktima.
Mismong si Matalam Vice Mayor Gigi Valdevieso-Catamco, ang natungo sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs sa General Santos City, para alamin ang kaso ng biktima at mai-uwi ang bangkay nito pabalik sa bayan ng Matalam.
Sa ulat na nakuha ni Vice Mayor Catamco sa DFA nabatid na isang Abdulah daw ang kasama ng biktima sa inuupahan nitong apartment nang mangyari ang pagkahulog nito sa gusali.
Bago sa Bahrain, nagtrabaho narin daw ang biktimang si Mataya sa mga bansang Damman at Riyadh sa Saudi Arabia.
Sa Bahrain nag trabaho ito bilang saleslady sa isang jewelry shop doon.
Tiniyak naman ng LGU Matalam sa pamamagitan ni Mayor Oscar Valdevieso, na magbibigay sila ng tulong pinansiyal sa pamilya upang asikasuhin ang pag uwi sa mga labi ng biktima mula sa Bahrain patungo sa kanyang bayang sinilangan, ang bayan ng Matalam.