-- Advertisements --

LAOAG CITY – Kinumpirma ni Police Lt. Roi Manuel Ordonio, hepe ng Pasuquin Municipal Police Station, na isang lalaki ang nagpositibo sa UK (United Kingdom) variant ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Pero ayon sa nasabing hepe, hindi nakapasok o nakauwi ang pasyente sa kanilang bayan dahil agad itong idineretso sa Provincial Quarantine Facility na matatagpuan sa Barangay Mangato sa Lungsod ng Laoag.

Ang pasyente ay Overseas Filipino Worker (OFW) na nanggaling umano sa Bahrain.

Ipinaliwanag ni Ordonio na kinuha ng mga kasapi ng Rural Health Unit at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Pasuquin ang OFW na tinamaan ng UK variant.

May kasama aniya itong locally stranded individual (LSI) ang OFW na tubong Barangay Bisang ng parehong bayan ngunit hindi rin ito nakauwi at dumiretso ito sa quarantine facility.

Sa ngayon ay naka-lockdown ang Barangay Health Unit at ang 500 meter radius mula sa kinaroroonan ng LSI.

Isasailalim din ang LSI sa swab test ngayong araw.