-- Advertisements --

LA UNION – Nagpapasalamat pa rin ang OFW na si Belarie de Leon Baldos sa mga taong nakatulong sa kanya para matunton ang hinahanap na ina, 23 taon na ang nakalipas, bagamat napagtanto nito na pumanaw na noong nakaraang taon.

Una rito, nanawagan si Belarie sa pamamagitan ng pag-post nito sa FB page ng Bombo Radyo La Union sa mga nakakakilala sa kanyang ina na si Clarita Betonis de Leon.

Agad namang tumugon ang mga netizens na nakakakilala sa kanyang ina at ipinagbigay alam na pumanaw na ito sa Mindanao.

Napagalaman na nagtungo dito sa La Union ang ina ni Belarie at nanirahan ng ilang taon, bago umano bumalik sa Mindanao.

Pinasalamatan nito ang mga taong nagbigay sa kanya ng impormasyon, sina Remie de Castro Busansog, Charlie Busansog, Marjorie Dingayan Amboni, Chad Moreno Coloma, Agnes Agmata Managad at sa tulong ni Mr. Elmer Tubiera, station manager ng Bombo Radyo La Union.

Kalakip ng naturang impormasyon ang larawan ng ina noong ito’y pumanaw na.