Nagpahayag ng pagkabahala si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa naging pagbaba ng budget ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa fiscal year 2025.
Sa kanyang interpelasyon sa ginawang budget deliberation ng nasabing ahensya at ng mga attached agencies nito, kabilang na ang Overseas Workers Welfare and Administration, inusisa ni Rep. Magsino kung bakit bumaba ang appropriations ng DMW para sa susunod na taon sa kabila ng pagdami ng mga Overseas Filipino Workers na deployed sa ibang bansa.
Noong 2023, P5 bilyong pondo ang ibinigay sa DMW sa transition period nito patungo sa ganap na operasyon.
Ngayong 2024, tumaas ang budget ng DMW sa P7.52 bilyon na katumbas ng 33.6% na pag-angat. Subalit, ikinalulungkot ni Rep. Magsino na bumaba ito sa P5.09 bilyon para sa 2025, na katumbas ng 32.4% na pagbaba.
Ayon kay Magsino tila binawi lamang ang naitalang pagtaas ng pondo noong 2024.
Aniya, nakakalungkot isipin na sa halip na mas palakasin pa ang DMW upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga OFW na nade-deploy sa iba’t ibang panig ng mundo, mukhang pinapahina pa ito sa pamamagitan ng malaking bawas sa budget.
Ibinahagi ng kinatawan ng OFW Party List ang kanyang pangamba na maraming serbisyo at programa ng DMW ang posibleng maapektuhan dahil sa pagbawas ng pondo nito. Kabilang na rito ang pangangailangan ng pagtatayo ng mga Migrant Workers Offices (MWOs) sa mga foreign posts na matagal nang walang representasyon para sa ating mga OFW, lalo na sa mga umuusbong na labor markets.
Kaugnay ng kasalukuyang sitwasyon ng mga MWO, ibinahagi ni Rep. Magsino ang kanyang obserbasyon sa mga pagbisita niya sa mga host countries tulad ng Singapore, Saudi Arabia, at UAE. Napansin niya ang kakulangan sa manpower sa mga MWO, gayong daan-daang libo ang ating mga OFW sa bawat host country.
Sa patuloy na pakikibaka ng ahensya para kapakanan ng mga OFWs, ipinahayag ni Rep. Magsino ang kaniyang buong suporta sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at nanawagan sa mga mambabatas na dagdagan ang pondo ng ahensya.
“Sa nakalipas at kasalukuyang taon, nakita ng OFW Party List ang pagsisikap ng DMW at OWWA sa pagbibigay ng tulong sa mga OFWs, kabilang ang financial at legal assistance, repatriation, at suporta sa kanilang mga pamilya. Muli, nananawagan ako sa Kongreso na dagdagan pa ang pondo ng DMW. Ang karagdagang pondo ay simbolo ng ating suporta sa mahigit 6 na milyong OFWs. Ito ay maliit na halaga kumpara sa 37.2 bilyong US dollars o halos 2.75 trillion pesos na kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya. Ipakita natin ang ating pagkalinga sa pamamagitan ng mas malaking pondo para sa DMW.” saad ni Rep. Magsino.