-- Advertisements --

Nanawagan ng hustisya si OFW Party List Representative Marissa Del Mar Magsino kaugnay sa brutal na pagpatay sa Overseas Filipino Worker nba Jullebee Ranara.

Sinabi ni Magsino na hindi dapat magpatumpik-tumpik ang pamahalaan upang bigyan ng agarang katarungan ang brutal na pagpaslang kay Ranara.

Si Jullebee Rarana ay hindi lamang basta pinatay, kundi maging ang kanyang bangkay ay sinunog nang walang pakundangan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang suspek dito ay menor de edad na anak ng kanyang amo na gumahasa pa sa kanya at bumuntis.

Dati nang nagpatupad ng ‘ban’ sa pagpapadala ng OFW sa bansang Kuwait sa pag-aakalang maitatama na ang masamang kalagayan ng ating mga kababayan.

Pero matapos i-lift ang ban dito ay muli na namang may kababayan tayong nagbuwis ng buhay dahil sa pang-aabuso ng banyagang amo.

Punto ng mambabatas na dapat maging matapang ang pamahalaan sa pagkamit ng hustisya sa pagkamatay ni Jullebee Ranara.

Dagdag pa ni Magsino dapat na rin palawakin ang diskusyon at pagtibayin ang aksiyon sa mga malalim, paulit-ulit, at sanga-sangang problema sa ating labor migration.

Siniguro ni Magsino na hindi niya ito palalagpasin at kaniyang tututukan ang imbestigasyon hanggang sa mabigyang hustisya ang pagkamatay ni Jullebee.