BACOLOD CITY – Muling nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang isang lalaking repatriated overseas Filipino worker mula sa Lungsod ng Bacolod na gumaling na noon sa sakit.
Si Bacolod Patient No. 15, 38-anyos, ay cruise ship nurse mula sa Miami, Florida.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bacolod City Vice Mayor El Cid Familiaran, naka-anchor umano sa Miami ang sinasakyang cruise ship ng nasabing OFW noong Marso 15.
Abril 4 nang dapuan ito ng lagnat at sintomas ng COVID-19.
Dinala ito sa ospital sa Miami at na-diagnose na positibo sa COVID-19 noong Abril 9 hanggang Abril 23.
Nakalabas ito sa ospital matapos bumuti ang kondisyon at magnegatibo sa repeat test.
Nanatili ang pasyente sa isang hotel sa Miami hanggang Abril 30.
Mayo 1 nang dumating ito sa Manila at sumailalim sa quarantine sa isang hotel hanggang Mayo 18.
Nagnegatibo naman ito sa rapid test at RT-PCR (real-time polymerase chain reaction) test na isinagawa sa kanya.
Mayo 20 nang dumating ito sa Bacolod at dumiretso sa quarantine facility.
Kinuhaan ito ng swab sample noong Mayo 26 at kahapon lang lumabas ang resulta na muli itong nagpositibo sa COVID-19.
Ang pasyente ay asymptomatic at naka-facility quarantine sa ngayon.
Wala naman itong dinadanas na pre-existing health conditions.