-- Advertisements --

LA UNION – Nakatakdang dumating sa bansa ngayong araw ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtatrabaho sa bansang Kuwait at tubo dito sa San Fernando City, La Union.

Si Melecen Monta, nasa tamang edad, ay nakatakdang magbakasyon sa bansa ngayong buwan ngunit babalik din sa bansang Kuwait dahil naghihintay pa rin ang kanyang trabaho doon bilang kasambahay.

Nagalak ito nang malaman na hindi kasama sa ipinapatupad na partial deployment ban ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga OFWs na may babalikang trabaho sa bansang Kuwait.

Nagbigay din ito ng reaksiyon sa Bombo Radyo La Union ukol sa mga nangyayaring pagmaltrato ng mga amo sa mga kasambahay.

Sinabi nito na nalulungkot sa nangyaring pagkamatay na naman ng isang pinay worker na si Jeanelyn Villavende.

Pero sa isang banda, naniniwala na mahalaga ang pagkakaunawaan sa pagitan ng amo at empleyado, para maiwasan ang mga ganitong sitwasyon at problema sa trabaho.

Dagdag pa ni Monta na pitong taon na itong nagtatrabaho sa bansang Kuwait at dumaan na rin sa iba’t ibang employer na may iba’t ibang ugali, at sinabi niyang maganda naman lahat ang naging karanasan nito.

Ang partial deployment ban sa Kuwait ay para lamang sa mga bagong tanggap o newly-hired na mga household service worker, alinsunod sa Board Resolution Number 1 Series of 2020 ng Philippine Overseas Employment Administration Governing Board.