-- Advertisements --

COTABATO CITY – Humihingi nang tulong ang pamilya ng isang OFW sa Doha, Qatar na matulungan sila ng mga ahensya ng gobyerno na mapauwi ang kanilang anak, matapos na ipakulong ng kaniyang amo sa jail facility ng nasabing lugar.

Nakilala ang OFW na si Marites Batobalonos, 23, isang OFW sa Doha na tubong Brgy. Macaguiling sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Sa panayam ng Star FM Cotabato sa kasintahan nito na si Christian Carl Tandog, na Pebrero pa lang ng kasalukuyan taon ay natapos na ang kontrata ni Batobalonos sa kanyang amo na si Maryam Khassef Albalushi ng Salal, Doha Qatar, ngunit hindi ito pinayagang makauwi ng bansa dahil mahal umano ang plane ticket ngayong may pandemic.

“Ito kasing kasintahan ko, matagal ng natapos ang kontrata nya sa kanyang amo noong February pa. Sinabihan siya ng amo nya na hindi siya mabilhan ng ticket kasi mahal daw, gusto niya na talagang umuwi. Nananawagan po ako sa lahat ng ahensya ng gobyerno, sa OWWA, POLO, at sa Philippine Embassy, sana po mapabilis ang transakyon doon sa Qatar,” ani Tandog.

Sa ngayon ay hindi ma-trace ng Philippine Embassy sa bansang Qatar si Batobalono kung saan ang kinaroroonan nito.