ROXAS CITY – Nasa kustodiya na ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh, Saudi Arabia ang overseas Filipino worker (OFW) na nagpasaklolo sa Bombo Radyo Roxas matapos tumakas sa bahay ng employer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Analyn Esquelador, kapatid ng OFW na si Roselyn Bolido Rotolo, sinabi nito na naglakas loob na lamang na tumakas ang kanyang kapatid dahil hindi na niya makayanan ang trabaho at hindi sapat ang binibigay na pagkain sa kanya.
Ayon kay Esquelador, nagkaroon lamang ng pagkakataon ang kapatid na makatakas matapos naiwang bukas ng employer ang pintuan.
Dahil dito ay kaagad na sumakay ng taxi ang biktima at nagpahatid sa Philippine Embassy kung saan ito ngayon nanunuluyan.
Humingi lamang ito ng pabor sa isang Pinay sa embahada ng Pilipinas para maipabot sa kanyang pamilya sa Capiz na tumakas na ito sa kanyang employer.
Kabilang sa inirereklamo ni Rotolo ang pagpapatrabaho sa kanya ng employer sa bahay ng mga kaibigan nito, hindi sapat na pagkain na binibigay sa kanya at minsan ay ang pagkukulong sa kanya.