ILOILO CITY – Hinihintay na ng kanyang pamilya ang pag-uwi ng Ilongga overseas Filipino worker (OFW) na minaltrato ng kanyang mga amo sa Saudi Arabia.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Julie Bracamonte, kapatid ng OFW na si Joy Lyn Bracamonte ng Brgy. Sulong, Alimodian, Iloilo, sinabi nito na tumawag sa kanila ang kanyang kapatid na humihingi ng tulong matapos tinangka itong pagsamantalahan ng kanyang amo.
Ayon kay Bracamonte, sinabi sa kanya ng kapatid na matagal na siyang sinasaktan ng mga amo katulad ng pag-untog sa kanya sa pader lalo na nang malaman ng mga employers na nagsumbong ito sa Overseas Workers Welfare Administration.
Kaagad naman tumawag sa Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang pamilya upang ipagbigay-alam ang nangyari kay Joy Lyn hanggang sa na-rescue ito.
Plano naman ng pamilya na sampahan ng kaso ang mga employers upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng Ilongga OFW.