CAUAYAN CITY – Inaasikaso na ng pamahalaan ang pag-uwi sa labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi matapos umanong mahulog sa isang gusali sa Singapore.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni officer-in-charge Regional Director Luzviminda Tumaliuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Region 2, na nakakuha sila ng impormasyon na bago namatay si Cely Estrella, 37-anyos, hiwalay sa asawa, residente ng Concepcion sa Solano, Nueva Vizcaya, ay nagla-live video ito sa balcony ng isang gusali.
Ito’y dakong alas-8:00 ng umaga noong Miyerkules ngunit biglang naputol at matapos ang 30 minuto ay nakatanggap ng impormasyon ang pamilya na patay na ang Pinay worker.
Ang biktima ay nagtungo sa Singapore noong November 18, 2018.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Singapore upang malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Abala na rin aniya ang ang ahensya sa pagtulong sa pamilya ni Estrella upang maiuwi na sa bansa ang kanyang bangkay at maibigay ang benepisyo bilang miyembro ng OWWA.