-- Advertisements --

CAUAYAN CITY-Nakahandang magbigay ng tulong ang OFW watch Italy sa Pinay Domestic Worker na minaltrato ng Phil. Ambassador sa Brazil.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Rhoderick Ople, presidente ng OFW watch Italy na bagamat maraming nagawa si ambassador Marichu Mauro sa Italy bago napunta sa Brazil ay hindi nila kinukunsinte ang kanyang ginawa.

Aniya, bilang isang organisasyon na nagsusulong ng kagalingan at karapatan para mabigyan ng proteksyon ang mga manggagawang Pilipino sa abroad ay nakikiisa sila sa mga panawagan at sa paghingi ng katarungan sa naturang OFW.

Sa ngayon ay naghihintay sila kung ano ang magiging desisyon ng civil service commission o CSC at nang Department of Foreign Affairs o DFA na mangangasiwa kung paano bibigyan ng karampatang parusa si Mauro.

Pinayuhan naman ni Ginoong Ople ang biktima na magpursige para mabigyan ng katarungan ang kanyang sinapit sa naturang ambassador at nakahanda naman silang magfollow up sa DFA at CSC kapag kailangan niya ng tulong.

Samantala, sinabi ni Ginoong Ople na ang Milan ang naging passport ni Mauro para maging ambassador sa Brazil.

Marami aniya siyang nagawa tulad ng pagkabili ng Phil. Consolate sa Milan.

Pagdating naman sa mga OFW ay dumami ang naserbisyuhan para sa kanilang mga papeles dahil mula sa labing walo na mobile outreach kada tao ay naging dalawampu’t anim.

Bukod dito ay nabawasan din ang bayarin ng mga OFW at nangampanya rin siya para sa kapayapaan matapos na lumahok sa kampanya sa peace talks sa pagitan ng GRP at National Democratic Front.