-- Advertisements --

Target na rin ng pamahalaan na mabigyan na ng COVID-19 booster shots ang mga kababayan na overseas Filipino workers (OFW) at seafarers na nakatakdang mai-deploy patungo sa ibang bansa sa loob ng apat na buwan.

Sa isang pahayag, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., napagdesisyunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na mapabakunahan ang mga ito ng COVID-19 booster shots.

Hiniling aniya ng IATF sa Food and Drug Administration (FDA) na isama ang mga nasabing migrant workers sa priority ng pamahalaan na mabahagian ng booster shots bilang dagdag na proteksyon din sa mga ito laban sa COVID-19 virus.

Sa kasalukuyan, tanging mga healthcare workers, senior citizens, at mga immunocompromised patients pa lamang ang nasa top priority sectors ang pinapayagan ng pamahalaan na mabakunahan ng COVID-19 booster shots.

Dagdag ni Galvez, sa darating na Disyembre o sa susunod na taon ay maaari na rin na mapabakunahan ng booster shots ang mga indibidwal na kabilang sa A4, A5, at general population kapag tuluyan nang nakamit ng bansa ang mahigit sa 50% ng populasyon nito ang nakatanggap na ng second dose ng primary series vaccine laban sa COVID-19.

Aniya, uunahing mabigyan ng booster shots ang mamamayan na fully vaccinated na mula buwan ng Marso habang posibleng sa Enero sa susunod na taon naman maturukan ng booster shots ang mga nabakunahan mula July 2021 onwards.

Magugunita na una nang sinabi ng FDA na isang booster shot lamang ang maaaring matanggap ng mga healthcare workers o mga indibidwal na kabilang sa A1 category kahit na ano pa ang brand ng bakuna laban sa COVID-19 ang nauna nang naiturok sa mga ito. (with reports from Bombo Marlene Padiernos)