-- Advertisements --
cabinet meeting palace

Tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na handa ang Duterte administration para tulungan ang maraming OFWs na nasa Pilipinas na hindi muna makakabalik sa Hong Kong, Macau at mainland China dahil sa ipinatutupad na travel ban.

Sinabi ni Sec. Nograles, may sapat na pondo ang gobyerno partikular ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para itulong sa mga maapektuhang OFWs.

Ayon pa kay Sec. Nograles, may mga mekanismo na matagal nang nakapwesto para sa mga ganitong sitwasyon.

Maaari umano silang tulungan ng gobyerno na magkaroon ng sariling kabuhayan dito sa Pilipinas o kaya ay maaari silang i-assist ng gobyerno para mapa-deploy naman sa mga bansang ligtas sa 2019 novel coronavirus.

Ang tulong na ito ay iaalok din ng gobyerno sa mga Pilipinong inaasahang mapapauwi ngayong linggo mula Hubei, China

Samantala, nilinaw ni Pangulong Duterte na nakasalalay sa magiging rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) kung magpapatupad ng mas malawak na travel ban ang Pilipinas.

Sa ngayon, umiiral ang temporary ban sa mga manggagaling mula sa buong mainland China, Hong Kong at Macau.

Sinabi ni Pangulong Duterte, susunod lamang sila sa kung ano ang regulasyong ipapatupad ng WHO para labanan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus.

Ayon kay Pangulong Duterte, hawak ng WHO ang lahat ng impormasyon kaugnay sa nCoV kung kaya ito rin ang mas nakakalaalam kung ano ang nararapat gawin.

Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na handang tumulong ang gobyerno ng Pilipinas sa mga Chinese nationals na nandito sa Pilipinas na at apektado ng travel ban.