ROXAS CITY – Nanawagan ngayon ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa katulad niyang nagtatrabaho sa Hong Kong na maging mapagmatyag sa paligid at iwasan ang pagsuot ng mga kulay ng damit na sumisimbolo sa “rebelyon” at “kamatayan.”
Inilarawan ngayon ni Ms. Lee ang Hong Kong na nasa “limbo” at nagkawatak-watak dahil sa patuloy na kilos protesta laban sa kontrobersiyal na extradition bill.
Ayon kay Lee, apektado ang lahat sa Hong Kong, hindi lamang mga ordinaryong tao kundi maging mga negosyante kung maisabatas ang nasabing panukala.
Nagpaalala rin ito sa mga OFWs na iwasan muna ang mga lugar kung saan isinasagawa ang mga kilos protesta at iwasan ang pagsuot ng kulay puti at dilaw na damit na sumisimbolo ng kamatayan at rebelyon, dahil hindi lamang sila haharangin, isasailalim pa sila sa interogasyon at ang pinakamalala itatapon palabas sa Hong Kong.
Mas mabuti aniya na magsuot na lamang ng kulay asul o pink na damit para safe.
Umapela rin ito sa mga Pilipino sa Pilipinas na samahan silang magdasal para sa kanilang kaligtasan at para matapos na ang kaguluhan.