CEBU CITY – Malaki ang pasasalamat ng mga overseas Filipino workers (OFW) na pansamantalang itinigil na ng Hong Kong government ang mandatory COVID-19 vaccines kasunod nang pag-alma ng mga human rights group at ilang mga opisyal ng gobyerno sa Pilipinas.
Para kay Mary Juarte, hindi dapat gawing mandatory ang pagpabakuna sa mga foreign domestic workers sa nasabing bansa dahil ito ay labag sa karapatang pantao.
Ayon kay Juarte, hindi nararapat na gawing sapilitan ang pagbabakuna para sa mga manggagawang Pilipino dahil may ilang mga Pilipino na ayaw mabakunahan.
Nakakatakot aniya na gawing requirement ng Hong Kong government ang COVID-19 vaccine kung magpapa-renew ng visa.
Para sa kanya, sagot aniya ito sa kanilang panalangin dahil siya mismo ay ayaw magpabakuna.
Panawagan nito sa kapwa Pilipino na naninilbihan sa ibang bansa na huwag matakot na iparinig ang boses at sundin kung anuman ang nararapat.