KALIBO, Aklan—Hindi sinang-ayunan ng karamihang overseas Filipino workers sa rehiyon ng HongKong ang panghihikayat sa mga ito na huwag magpadala ng pera sa Pilipinas simula ngayong araw, March 28 sa mismong kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hanggang sa April 4, 2025.
Ayon kay Bombo International Correspondent Jackie Torate, mas matimbang pa rin ang pangangailangan ng pamilya kaysa sa away-pulitika kung kaya’t walang dapat ipangamba ang pamahalaan sa panawagan na isang linggong zero remittance dahil sa wala aniya itong magiging impact sa ekonomiya ng bansa.
Bilang Pilipino aniya ay kailangan na suportahan kung sinuman ang nakaupo sa kasalukuyang administrasyon para sa ikakaunlad ng bansa at hindi dapat idamay ang nangangailan at naghihikahos na pamilya para sa iisang tao lamang bilang pagpakita ng suporta na maaari naman itong gawin sa iba pang paraan kung naisin natin.
Sa katunayan aniya ay nade-delay pa ng hanggang tatlong araw ang kanilang sahod at direkta nila itong hinuhulog sa account ng kanilang pamilya kaya walang magiging epekto ang nasabing panawagan sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ngunit sa kabila nito, may iilan parin daw siyang nakausap na makibahagi sa zero remittance bilang pa-birthday sa dating pangulo ng bansa.