-- Advertisements --

LAOAG CITY – Umaasa ang mga Overseas Filipino Workers sa Jakarta, Indonesia makakausap si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. habang nasa naturang bansa para sa ika-43 na Association of Southeast Asian Nations Summit.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Myla Castillo, na nagsisilbing Principal ng isang paaralan sa Jakarta, Indonesia, hinihiling niya at ng kanyang mga kapwa Pilipino na makita at makausap si Pangulong Marcos kahit saglit lamang.

Aniya, sa pamamagitan nito ay maririnig ng Pangulo ang mga hinaing at mungkahi ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa Indonesia.

Paliwanag niya, layunin nilang maiparating kay Pangulong Marcos ang kanilang nais na mapagaan ang mahigpit na proseso ng Bureau of Immigration sa pagpasok at pagbalik ng mga Overseas Filipino Workers sa Indonesia upang hindi sila masyadong mahirapan.

Samantala, sinabi ni Castillo na mahigpit ang ipanapatupad na seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga delegado ng Association of Southeast Asian Nations Summit na kung saan may mga pulis na naka-deploy sa paligid ng Jakarta Convention Center.

Aniya, dahil sa napakalaking aktibidad ay ipinatupad ang work from home ng mga empleyado at study from home para sa mga mag-aaral upang mabawasan ang masikip na trapiko.

Dagdag pa niya na ang mahigpit na seguridad ay maipapatupad hanggang matapos ang Association of Southeast Asian Nations Summit bukas, Setyembre 7.