KORONADAL CITY – Dismayado ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait sa balitang patuloy na inaalok sa pamilya ng pinaslang na si Jeanelyn Villavende ang P7.5-milyong “blood money.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Teresa Navarro Margate, OFW sa Kuwait, hindi makatarungan na mismong ang Philippine Embassy to Kuwait umano ang lumalakad upang baguhin ang desisyon ng pamilya at tanggapin ang blood money.
Ayon kay Margate, maging sila na kasalukuyang nasa Kuwait ay hindi narinig na binitay na ang employer ni Jeanelyn matapos lumabas ang balitang hinatulan ito ng parusang kamatayan.
Napag-alaman na inutusan mismo ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. si Philippine Ambassador to Kuwait Noordin Pendosina Lomondot na “tiyaking” na maipatutupad ang parusang kamatayan sa amo ni Villavende at itigil ang pagbabayad ng “blood money.”
Maging ang mga kamag-anak ni Villavende sa Norala, South Cotabato ay hindi rin pabor na tanggapin ng pamilya ang pera sa halip nais nila na matuloy ang parusang bitay upang mabigyan ng hustisya ang brutal na pagkamatay nito.