Muling nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pinoy sa Lebanon na tanggapin na ang repatriation program ng gobyerno sa gitna ng nagpapatuloy na gyera sa pagitan ng Israel at Hezbollah.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega, nagsasagawa na ng hakbang ang Philippine Embassy sa Lebanon para mahimok ang mga pinoy at magkaroon ng mass repatriation sakaling mas uminit pa ang sitwasyon doon.
Gayunpaman, mariing tinatanggihan daw ng Filipino community ang alok ng gobyerno na makauwi sila ng bansa.
Ayon kay De Vega, karamihan sa mga tumatangging bumalik ng Pilipinas ay yung mga nanatili na sa Lebanon ng ilang taon habang ang mga ikinokonsidera naman ang pag-uwi ay ang mga bago pa lang abroad.
Binigyang-diin ni De Vega na kinakailangan na ng boluntaryong repatriation dahil maraming Pilipino sa Lebanon ang hindi dokumentado sa Department of Migrant Workers (DMW). Karamihan daw sa mga ito ay pumasok sa naturang bansa sa pamamagitan third countries.
Ayon pa kay Philippine Ambassador to Lebanon Raymbond Balatbat, ang madalas na sagot daw ng OFWs sa kanila ay “Mas okay na mamatay sa gera kaysa mamatay sa gutom.”
Nitong nakaraang araw lamang, matatandaan na sinabi ng DFA na mahigit 1,000 Pilipino sa Lebanon na ang humingi ng tulong sa gobyerno ng Pilipinas para maiuwi.