-- Advertisements --

Hindi raw maaring pilitin ng pamahalaan ang mga Pilipinong nasa Libya na lumikas sa kabila ng ipinapatupad na mandatory evacuation doon.

Pahayag ito ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. matapos kumpirmahing itinaas na ang Alert Level 4 sa capital city ng Tripoli dahil sa lumalang tensyon bunsod ng civil war.

Sa ilalim ng Alert Level 4, mandatory na ang evacuation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya.

Pero iginiit ng kalihim na hindi nila maaring i-compel ang mga ito na sumunod sa naturang kautusan.

Samantala, aminado si Charge d’Affaires Elmer Cato na nahihirapan ang Embahada ng Pilipinas sa Libya sa evacuation at repatriation ng mga OFWs sa Tripoli.

Marami raw kasing mga OFWs ang nagdesisyon na manatili na lamang sa lugar.

Isa sa mga nakikitang rason ni Cato ay ang panghihinayang ng mga OFWs sa kanilang trabaho.

Karamihan din daw sa mga ito ay may attachment na rin sa kanilang trabaho katulad na lamang ng mga nurses sa nasabing bansa.

Sa ngayon, ayon kay Cato, nasa 40 pa lang ng nasa 2,000 na Pilipino sa Libya ang nagpatulong sa embahada para sa repatriation.