-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umaapela ng tulong ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga OFWs sa Malaysia na apektado ng krisis dahil sa health emergency sa COVID 19.

Ayon kay Bombo International Correspondent Pepsi Romero, isang OFW sa Malaysia, pinangangambahang maraming OFWs doon ang mapapauwi dito sa bansa kapag natapos ang lockdown doon.

Ipinaliwanag niyang ito ay dahil maraming nawalan ng trabaho doon kabilang ang mga amo ng mga Pilipino kaya’t mapipilitan ang mga ito na pauwiin ang kanilang mga empleyado dahil sa pagsara ng mga kompanya doon.

Sinabi niyang isa pa sa mga problema ng mga OFWs sa Malaysia ang pagsara ng mga remittance center kaya’t hindi sila makapagpadala ng pera sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Sa kabila ng mga problema ay sinabi ni Romero na ramdam na ramdam naman sa Malaysia ang pagtutulungan ng mga Pilipino.