-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Marami umano sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang “no work, no pay” dahil sa lockdown na ipinatupad sa Russia dahil sa banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Jowel Marquez, OFW sa Russia at tubong Isabela na maraming negosyo ang pansamantalang nagsara kaya maging ang mga OFWs ay apektado.

Ayon sa kanya, tanging ang mga Russians lang ang tuloy ang sahod kahit na sila ay hindi muna pumapasok.

Gayunman, sinabi niya na sumulat umano ang Philippine Embassy sa Russia sa mga employers ng mga apektadong OFWs na bigyan din sila ng ayuda.

Kaugnay nito, sinabi ni Marquez na total lockdown ngayon ang major cities sa Russia buhat noong Miyerkules.

Sa ngayon ay umaabot na sa mahigit 30,000 ang COVID-19 cases sa Russia na ikinamatay na ng 273 katao.

Sinabi niya na wala pa namang Filipino ang nagkaroon ng covid batay sa datos na inilabas umano ng Philippine Embassy.

Kasabay nito, nagpapasalamat si Marquez sa kanyang employer dahil sa binigyan sila ng mga gamit laban sa nasabing virus tulad ng face mask, nasal cream para malinis ang hangin na malalanghap at meron din silang air filter sa kanilang tinutuluyan.