DAGUPAN CITY – Agad na inalerto ang alarm warning system ng gobyerno ng Saudi Arabia upang agad na maalerto ang publiko sakaling may pag-atake muli sa kanilang bansa.
Ito ang iniulat sa Bombo Radyo Dagupan ni Bombo correspondent Petronilo Figueroa, na isa ring project sales engineer ng Qetaf electric Company sa Riyadh, Saudi Arabia, at tubong lalawigan ng Pampanga.
Ang naturang hakbang ay kasunod ng drone attacks sa state-owned Saudi Aramco oil facilities nitong nakalipas na weekend.
Ayon kay Engr. Figueroa, patutunugin ang mga serena o alarm warning device sakali man na mayroon ulit pag-atake sa bansa upang maalerto ang publiko.
Samantala, una rito nagpalabas ng alerto ang embahada ng Pilipinas sa Saudi para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) doon upang maging maingat at mapagmatyag.
Bagamat sa kasalukuyan ay nananatili naman aniyang ligtas ang halos isang milyong mga Pinoy lahat sa kabila ng pag-atake sa mga oil facilities.
Samantala, humiling naman si Engr. Figueroa, ng dasal na kahit wala pang anumang impormasyon na may susunod na pag-atake.
Giit nito, ligtas ang lahat ng Pinoy ngayon doon kaya’t walang dapat na ipag-alala ang mga kababayan natin sa Pilipinas na may kaanak sa Saudi.
Una rito, inatake ng mga drone o unmanned aerial vehicle (UAV) ang pinakamalaking oil facility sa Saudi Arabia na Saudi Aramco.
Tumama ang mga ito sa 19 na targets upang iparalisa ang anim na porsyento na produksiyon ng planta para sa buong mundo.
Ito ay katumbas ng 5.7 million barrels per day na oil supply.
Sinasabing ang pagkabigong ma-detect ng radar ng Saudi ang drones ay nagpapakita lamang kung gaano na ka-high-tech o moderno ang ginamit na armas.