KORONADAL CITY – Lubos na dismayado ang grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa Sri Lanka dahil sa hindi natuloy ang pag-uwi sana nila sa Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Joan Daniel-Taruc, taga-Surigao at kasalukuyang nasa Colombo, Sri Lanka, umasa silang makakauwi ngayong Biyernes sa bansa ngunit ipinaalam na lamang sa kanila ng Agency ng mga ito na hindi matutuloy dahil sa kamahalan ng ticket at kailangan nila na maghintay hanggang Agosto 3 nitong taon.
Dagdag pa ni Taruc, mahirap ang kanilang sitwasyon doon dahil wala na silang pera na gagastahin upang ibili ng pagkain.
Araw-araw na nagsasakripisyo umano ang ginagawa nila para lamang maka-survive sa Sri Lanka simula noong nawalan sila ng trabaho.
Kaya’t sa ngayon hiling nila sa Agency na sana’y mabigyan ng food allowance upang mabuhay sila sa Sri Lanka habang naghihintay ng kanilang flight sa pag-uwi sa bansa.
Hindi umano na makayanan pa ang sitwasyon doon dahil sa karahasan at maging sa nangyayaring away sa pila sa pagbili ng gas, pagkain at iba pang pangangailangan ng mga tao.
Ito ay kahit na bago na ang Presidente sa kasalukuyan sa nabanggit na bansa.
Magulo pa rin at delikado ang daan dahil sa karahasan at hindi pagkakaunawaan ng mga tao doon na hindi man lamang makontorl ng mga otoridad.