-- Advertisements --

Umakyat na sa apat ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na nasugatan sa magnitude 7.4 na lindol na tumama sa Taiwan noong Miyerkules.

Ayon kay Department of Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, nagtamo ng head injuries ang ikaapat na OFW matapos na mahulugan ng debris dulot ng lindol.

Subalit nasa ligtas na aniya itong kalagayan ngayon at ginagamot na ng mga doktor.

Una ng iniulat ng DMW na aabot sa 5,000 Pilipino na naroon sa Taiwan ang naapektuhan ng lindol kung saan mahigit 1,400 sa kanila ay nasa Hualien county na episentro ng lindol.

Matatandaan na 3 OFWs ang naunang napaulat na nagtamo ng minor injuries dahil sa pagyanig ng magnitude 7.4 na itinuturing na pinakamalakas na tumamang lindol sa nasabing teritoryo sa nakalipas na 25 taon.