-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nagagalak na ipinaalam ni Bombo International News Correspondent Marinelle Aguinaldo-Velo mula sa Hanoi, Vietnam na naging maayos at makabuluhan ang ginanap na Meet and Greet ni Presidente Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Iti ay kasabay ng state visit ni Pangulong Marcos sa Vietnam.

Ayon kay Mrs. Velo, hiniling nila na mga Overseas Filipino Workers sa Vietnam kay Pangulong Marcos ang mas maraming oportunidad para kung sakaling babalik na sila dito sa Pilipinas ay may naghihintay para sa kanila.

Ikinalulugod ng Pangulo na ipaalam sa kanila na interesado ang pinakamalaking pribadong kumpanya sa Vietnam na maglunsad ng electric vehicles at battery-manufacturing facility dito sa Pilipinas.

Aniya, mahigit 200 Pinoy ang dumalo sa naturang event kung saan isa siya sa nabigyan ng pagkakataon na magpa-picture kasama sina Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.

Nagsimula ang programa ng alas-4:00 ng hapon at natapos ng alas-8:00 ng gabi habang tumagal ng isang oras ang talumpati ni Pangulong Marcos.

Paliwanag niya, ipinagmamalaki rin ng Pangulo ang matagumpay na paglulunsad ng programang Bagong Pilipinas sa kanyang administrasyon na maglalapit sa pangangailangan ng maraming Pilipino.

Dagdag pa niya, hinigpitan ang seguridad sa isinagawang Meet and Greet ng Filipino Community kung saan isa-isa nilang hinanap ang mga passport at email ng mga nagparehistro.

Nabanggit niya na mahigit pitong libong Pilipino ang naninirahan sa Vietnam.

Samantala, inaasahang makikipagpulong si Pangulong Marcos sa matataas na opisyal ng Vietnam upang talakayin ang bilateral development.