-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Pinaghahanap pa sa ngayon ng mga otoridad ang tumatayong officer-in-charge ng Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc. sa bayan ng Alabel, Sarangani na kasama ng driver na pinagbabaril-patay ng riding-in-tandem criminals.

Ayon sa mga otoridad, natukoy ang nawawalang indibidwal na si Remely Jombitado Iral, 42, na pamangkin ng asawa ng founder ng KAPA na si Reyna Apolinario.

Habang ang kanyang driver na si Bresnev Morada, 38, residente ng Barangay San Isidro, General Santos City, ay dinala na sa punenarya.

Batay sa ulat, napatay sa pamamaril si Morada nitong Miyerkules ng madaling araw habang minamaneho ang isang pick-up.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa pangunguna ni PMaj. Alex Lanestosa, hindi na nakaalis pa sa driver’s seat ang biktima matapos na pagbabarilin ng dalawang suspek.

Nakuha sa crime scene ang pitong basyo ng .45-caliber pistol at dalawang slug na pinaniniwalaang bala ng armalite rifle.

Sa loob naman ng sasakyan ay narekober ang isang shoulder bag at iba pang personal na gamit.

Patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang motibo ng naturang krimen.