Inaasahan na magpapatupad ng oil price hike ang mga kompaniya ng langis sa susunod na linggo kasunod ng 3 magkakasunod na linggong rollback ayon sa Department of Energy (DOE).
Base sa kamakailang trading days, tinatayang magpatupad ng umento sa mga produktong petrolyo simula sa araw ng Martes, Marso 25.
Sa gasolina, inaasahang magkaroon ng umento na P1 hanggang P1.20 kada litro.
Sa diesel, inaasahan ang P0.30 hanggang P0.50 kada litro na pagtaas habang sa kerosene naman ay nasa P0.20 hanggang P0.40 kada litro.
Ilan sa mga dahilan ng nakaambang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay ang umiigiting na tensiyon sa Gitnang Silangan, pagpapalawig pa ng ground operations ng Israel sa Gaza at ang stimulus package ng China na maaaring magpataas sa demand ng langis gayundin ang pagbaba ng imbentaryo ng langis mula sa Amerika.