Nakatakdang dumating ngayong Biyernes ang oil pumping machine mula sa Singapore para mas mapabilis pa ang pagsipsip o paghigop sa langis mula sa lumubog na MT Terranova sa Limay, Bataan
Ayon kay Lt. Cdr. Michael John Encina, commander ng Coast Guard Station Bataan, ibinigay ng kinontratang salvor na Harbor Star Shipping Services Inc. ang paparating na pumping machine dahil base kasi sa initial siphoning operation nasa 800 litro kada oras ang nakuhang langis.
Kapag ganito aniya kabagal aabutin ng 73 araw para ma-extract ang lahat ng nattira sa 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil mula sa motor tanker kahit na magdamag o 7 araw kada linggo pang isagawa ng salvor ang siphoning.
Kayat kapag dumating na aniya ang pump machine mula Singapore mapapabilis nito ang ginagawang siphoning effort.
Sa kasalukuyan, nakakolekta na ang salvor ng 2,433 litro ng langis sa isinagawang siphoning operation sa nakalipas na 2 araw.
Samantala, sinabi din ni Comm. Lt. Encina na maglalatag ang insurance company ng may-ari ng MT Terranova ng claim centers sa bawat lokal na pamahalaan na apektado ng tumagas na langis para magbigay ng tulong sa mga residente.