-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Tinapos na ng Philippine Coast Guard at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang clean up activities sa coastal areas ng Caluya, Antique na tinamaan ng oil spill mula sa lumubog na barkong MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.

Kaugnay nito, sinabi ni PDRRMO Antique head Mr. Broderick Gayona-Train na balik na rin sa kabuhayan nila ang mga mangingisda matapos na binawi ng lokal na pamahalaan ang fishing ban sa nasabing lugar.

Wala na aniyang makikita na langis sa kanilang karagatan kung kaya’t kaniya-kaniya ng pumalaot ang mga mangingisda upang makabawi sa nawala nilang kita sa ilang buwan na pansamantalang ipinatigil ang pangingisda sa nasabing karagatan.

Ang mga huli nilang mga malalaking isda ay dinadala sa palengke sa isla ng Boracay at sa mga kalapit bayan.

Dagdag pa ni Train na malaking tulong ang pagbayanihan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kasabay nito ang mabilisang aksyon ng PCG kung kaya’t hindi na nadagdagan pa ang mga pinsala sa kabuhayan at turismo ng bayan at buong lalawigan ng Antique.

Inaasahan naman na hindi pa matatapos ang summer season ay makabawi ang lalawigan sa industriya ng turismo.

Sa kasalukuyan aniya ay unti-unti nang umuusbong ang mga bagong tubong manggroves at gayundin ang mga seaweeds na lubusang tinamaan ng oil spill.