Inalerto na rin ang iba pang lalawigan na nasa gilid ng dagat na maghanda sa malawak na epekto ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova sa Bataan.
Inamin kasi ng University of the Philippines – Marine Science Institute na maaaring umabot sa Batangas ang oil spill ngayong araw.
Sa kanilang projection, maaaring makarating ang tumagas na langis sa baybayin ng Lian mamayang alas-6:00 ng gabi.
Maliban dito, aabot din ang langis sa Calatagan, Batangas bukas, Agosto 2, bandang alas-9:00 ng umaga.
Paalala ng mga eksperto, hindi dapat lumusong sa dagat kung walang protective gear.
Maaari kasi itong magdulot ng sakit sa balat, iritasyon ng mata at iba pang bahagi ng katawan.
Posible ring magkaroon ng hirap sa paghinga ang mga taong may dati nang problema sa respiratory system.