Hindi na inaasahang aabot pa sa baybayin sa National Capital Region ang tumagas na langis mula sa lumubog na Motor Tanker Terranova sa may Limay, Bataan.
Ayon kay PCG NCR-Central Luzon spox Lieutenant Commander Michael John Encina, naobserbahan ng surveillance team na nasa timog-timog silangan o papuntang Cavite at Batangas ang direksiyon ng oil sheen kayat hindi inaasahang papunta ito sa Manila bagamat hindi aniya isinasantabi ang posibilidad na ito.
Isinagawa aniya ang naturang surveillance ng Marine Environmental Unit ng PCG kasama ang isang expert adviser.
Una ng ipinakita ng University of the Philippines Marine Science Institute na posibleng umabot sa Metro Manila ang tumagas na langis mula sa naturang motor tanker.
Naglalaman nga ang naturang oil tanker ng 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil bago tumaob at lumubog noong Hulyo 25 habang naglalayag patungo sana ng Iloilo sa gitna ng masungit na panahon.
Kung saan nasagip ang 16 na tripulanteng sakay nito habang 1 ang naitalang nasawi sa insidente.